Sa isang sulok ng terminal
Isang alaala ang nakipaglaro sa akin
“sa isang malamig na dampi ng hangin;
Sa init ng pakiramdam nang
sya’y aking makandaupang-palad…”
Na naging mitya ng paghalukipkip ko
Sa katawan nyang pinag-alab ng araw
Upang maging sandata sa aming malamig na paglalakbay.
Sa isang sulok na ito,
isang sugat ang muling nabubuhay
Ang alaala ng mga sandaling
Dumating na ang bukang-liwayway..
Naghiwalay ang aming mga bisig
Na kanina lamang’y mahigpit na magkahawak,
Utay-utay, habang lumalakad syang palayo.
Tatlo-apat na beses syang lumingon pabalik.
Ngunit, naglaho din syang tuluyan sa aking paningin..
Sa isang sulok na ito,
kasama ka mang umalis ng kahapon
At napadpad gaya ng mga alikabok
Sa gulong ng mga sasakyan dito,
Muli akong aasang sa muling pagsikat ng araw
Wala ng bukang-liwayway o paglubog ng liwanag..
At sa muling pagbabalik ng malamig na hangin
Kasama ka nyang darating
Baon ang pangakong sasamahan ako
Sa habambuhay nating paglalakbay…
No comments:
Post a Comment