
May mga masasayang bagay na nagpapaalala sa akin sa tuwing nakatingin ako sa kalangitan. Oo, minsan ko nang sinabing hindi ako marunong magmahal. Pero, sa tuwing malakas ang ihip ng hangin sa dalampasigan; para bang hinihila ako ng buwan sa isang isla upang balikan ang nakabinbining pagsintang kinatatakutan kong simulan.
Sunday, December 26, 2010
Sa likod ng Hungkag na mga Ngiti
Oh, malupit na mundo!
Hayaan mong ihimlay ko
ang aking pagal na katawan
Sa makapal mong damuhan.
Maari rin bang ipaubaya mo muna
Ang sariwang simoy ng hangin;
nang sa gano’y malanghap ko naman
Ang maginaw mong pagsinta.
Pahiram ng kanlungang ito,
upang may pagsidlan ako
ng aking mga hinanakit---
At sa huli,
hayaan mong pagmasdan ko
ang mga alaala
ng ating kasaganahan,
na nakabuyangyang naman ngayon
sa pinagsasamantalahan mong kalikasan.
Oh, malupit, makasariling mundo!
Habang nakikita kang pinamumunuan
ng kung sinumang ganid na reyna;
Tulungan mo akong makalimutan
ang sakit na aking nadarama---
nang makagawa naman ako
ng mga matatamis na ngiti;
kahit na ang mga labi ko’y nanginginig
sa malamig na pagsamyo ng iyong mga bulong,
dito sa nangungulila kong mga pisngi.
Subscribe to:
Posts (Atom)