
Hindi uso ang paggawa ng kontrata sa isang magkaibigan. Minsan kasi hindi rin nasusunod, kaya useless lang ang ginawang kasunduan.
Sa amin ni Zandra, na apat na taon kong nakasama; na siyang naging kasabay ko sa pagdadalaga, nakakatanungan ko lagi kung may ‘tagos’ ba ang palda ko sa gitna ng klase, at nasasabayan sa mga kalokohan sa buhay.. totoo ang inaakalang kontra-kontrata sa isang tipikal na magkaibigan.
Klasmeyt ko sya nung hayskul. Kaya lang, mula nung gumradweyt kami taong 2006, umalis na ako kaagad papuntang Maynila para maipagpatuloy ang pag-aaral ko sa kolehiyo. At mula nun, hindi na kami nagkita.
Marami na rin ang nag-asawa sa amimg batch matapos kaming gumradweyt.. Ilan na rin sa kanila ang may trabaho na. Pero kami ni Zandra, nag-aaral pa rin. Sa isang institusyon sa Leyte siya nag-aaral bilang estudyante ng Hotel and Restaurant Management (HRM) samantalang ako sa isang institusyon dito sa Maynila. Pareho kami ng level ng pag-aaral. Kung susumahin kasi, sabay kaming gagaradweyt sa darating na taong 2012.
Salamat sa cellphone, friendster at facebook na tumulong para mapanatili ang ugnayan naming dalawa kasama ang ilan naming mga kabarkads. Kaya naman, tuloy-tuloy palagi ang aming balitaan, kwentuhan at girl’s talk na nakasanayan noon. Dahil din dito, kung kaya’t nabuo namin ang isang kontrata. Kahit na ilang milyang dipa pa ang layo namin sa isa’t isa.
Ang kontrata na ito ay sumibol sa gitna nang di inaasahang panahon. Basta ang alam ko lang kailangan namin ito sa ngayon at kailangan namin itong seryusuhin. Nagsisilbing gabay, motibasyon at babala ito sa aming dalawa.
Simple lang ang laman ng kontrata. Magbabayad kami ng limang libo kung sino man sa amin ang unang nag-asawa. Gaya kasi ni Zandra, ayoko ring mag-asawa kaagad. Ayokong magka-anak na parang “boom!!”.. Panu ako nagka-baby? Haha! Magic! (alam mu na yun!) Kaya naisipan namin itong gawin.
Alam ko, internal pa rin ang magpapasya at sarili pa rin ang magtatakda ng daloy ng aming mga buhay. Pero ang kontratang ito, matupad man o hindi ay malinaw na aparato para mapanitili kaming mapag-ugnay. Bilang isang kaibigan, kapatid, kapalagayang-loob.. kahit na isang milyong kilometro pa man ang maging pagitan.
Anu pa man, alam naming kaya namin itong lagpasan. At kaya namin itong panindigan! At kahit na anong mangyari, ayokong magbayad sa’yo Zandra ng Limang libo at ayokong mang-libre ng isang engrandeng party dahil lang sa natalo ako sa ating naging pustuhan.. :) Rak 'n rol!