“Gusto ko magsulat. Period.”
Bata pa lang ako, pangarap ko na ang maging writer. Kaya naman HINDI ako nagdalawang isip nang inalok ako ng isang student writer sa school naming na mag-aplay sa publikasyon nila bilang apprentice. Inulan ako bigla ng batikos ng mga kaklase ko kung bakit ko raw naisipang sumali sa mga ganung organisasyon. Pero nasa puso ko talaga ang kagustuhang ito. Kung kaya’t mas pinili ko ang manatili sa publikasyon upang magkaroon na rin ako ng pagkakataon na malinang ang kakayahan ko sa pagsusulat.
Hindi naging madali ang lahat. Inaamin kong nagbago ang lahat sa akin simula ng umapak ako sa sanktwaryo ng mga mamahayag pangkampus. Marami akong natutunan. Marami din akong nalaman na kahit kailan hindi itinuro sa loob ng aking silid-aralan. Dito ako natutong pumasan ng libo-libong ‘pressures’, mananghalian nang kape lang, uminom ng kape na walang asukal at masanay tumanggap nang maluwag sa kalooban ng mga di mabilang na kritisismo.
Inaasahan kong sa paglipas ng mga anim na buwan, magiging mahusay na ako sa pagsusulat. Ngunit, bigo ako! Hindi pala ganun kadali ang lahat. Bagamat, pagsusulat ng lathalain at balita ang inaatas sa aking gawain palagi.. “nangangapa pa rin talaga ako kung minsan.” Di ko alam kung sadyang tanga o sadyang ‘slow’ lang talaga ako! Dumating ako sa puntong mag-resayn nalang. Pakiramdam ko kasi lagi, wala ng saysay ang pamamalagi ko sa publikasyon.. Parang hindi naman ako umuunlad..
Pero hindi ko talaga kayang iwanan ang pagsusulat. Naisip ko, marahil nagsisimula pa lamang ang lahat. Bakit ko nga ba naman minamadali ang lahat? Napagtanto ko, hindi ako dapat sumuko.
Ngunit dumating ang araw na, puro katanungan ang lumilipad sa aking isipan. Nagugulat nalang kasi ako bigla sa mga ilang nilalaman na mga katha ng aking mga kasamahan sa publikasyon. Hindi ko pa maintindihan. Bakit may usaping digmaang bayan, bulok na sistema atbp. At kung bakit ganun ang kanilang pananalita na hindi ko naman namamalayan nagiging ‘expression’ ko na rin pala. Nakuha ko sa kanila ang salitang “buong giliw” na sa tuwing may gusto akong ilarawan yun na rin ang ginagamit kong panimula. (Hal. Buong giliw akong pinagalitan ng aking ina bago ako gumo-ra ng skul kung kaya’t na-leyt ako sa ating meeting. Tama Talaga!) Kaya naman hindi na ako magtataka kung bakit nabibigla na rin sa akin ang aking mga kaklase sa tuwing nagsasalita ako sa classroom. Masyado daw pormal na okey naman pero hindi pasok sa kanila upang mapakinggan.
Ayokong makulong ang sarili ko sa mga tanong na di ko kayang sagutin nang ako lang. Kung kaya’t naging bukas ako sa mga diskusyon nila ukol sa mga usapin sa lipunan. Hindi ko ipinagdamot ang aking isipan upang maging kritikal na rin sa pag-aanalisa. Hindi ako umatras sa unang bahagi ng aking pagkamulat. Hanggang sa isang araw, nakita ko nalang ang aking sarili sa kalsada. Hindi ko mawari sa umpisa, nagra-rally na rin pala ako!( Ang bilis ng kaganapan!) “Eto pala ang digmaang bayan na tinutukoy nila.”
Dahil sa mga pagkakataong yun, mas naunawaan ko pa ng lubos ang lahat. Natuto akong magtaas kamao, nakisangkot at nakiisa sa laban ng masa. Iba ang pakiramdam, may damdamin ang bawat sigaw sa lansangan.
Salamat sa mga taong nakasama ko sa mga e.d. Ngayon nauunawaan ko na kung bakit hindi ko ganap na mahanap noon ang tunay na kasiyahan sa tuwing ako’y nagsusulat. Yun ay dahil sariling pag-unlad ko lamang palagi ang pinaiiral kong konsepto.
Hindi naman talaga ako marunong magsulat. Pangarap ko lang ang maging isang manunulat. Pero dahil sa naibahagi nilang pagkamulat, may dahilan na ako upang magpatuloy sa aking adhikain. Ngayon, wala na talaga akong pinagsisisihan sa pagtuntong ko sa publikasyon na minsan ko nang binalak lisanin.
Sa lahat ng mga taong naging bahagi ng aking pagsisimula, MARAMING SALAMAT! Isa ako sa mga supling ng inyong mga panulat!
Maalab na pagpupugay sa lahat ng mga naging editors ng EARIST-Technozette! Padayon!
P.S. “Gusto ko magsulat…habang nanariwa pang lubos ang aking pagkamulat!”
![Matalinhagang Buwan](http://2.bp.blogspot.com/_uQ_hLcVHJEA/TLbIS1s2SQI/AAAAAAAAAGE/s8Px_RiYKG4/S1600-R/Lovers+3.gif)
May mga masasayang bagay na nagpapaalala sa akin sa tuwing nakatingin ako sa kalangitan. Oo, minsan ko nang sinabing hindi ako marunong magmahal. Pero, sa tuwing malakas ang ihip ng hangin sa dalampasigan; para bang hinihila ako ng buwan sa isang isla upang balikan ang nakabinbining pagsintang kinatatakutan kong simulan.
Wednesday, May 13, 2009
Panulat(Kung bakit ako natutong mag-mob)
Subscribe to:
Posts (Atom)