
Kailan ko bang huling sinabi ang salitang “Mama, mahal na mahal po kita.”
Parang ang baduy pakinggan. Pakiramdaman ko ka-dramahan sa buhay ang sabihin yun sa kanya. Korny.. Korny talaga at korny.
Alas onse ng gabi ng dumating ako sa bahay. Tulog na ang lahat maliban sa tatlo kong mga kapatid na babae. Nadatnan ko sa kusina ang nakahandang hapunan. Tinanung ko ang mga kapatid ko kung sino ang di pa kumakain. Anila, ako nalang daw. Masarap ang pagkaing tinira nila sa akin. Masaya tuloy ang naging hapunan ko.
Ganunpaman, kung gaano naman ako kapili sa pagkain ay sampal naman sa akin bilang babae ang kahinaan ko sa gawaing kusina. Hindi naituro sa akin ni Mama ang magluto. Kahit na ang maglaba ng damit. Bente anyos na ako pero siya pa rin ang naglalaba ng mga madudumi kong damit. Nakakahiya! Dahil na rin sa maaga ako laging umaalis ng bahay at gabi nang kung umuwi; hindi ko na talaga maasikasong ayusin ang mga gamit ko sa kwarto naming magkakapatid.
Alas otso na ako nagising. “Shit! Late na ako sa klase kong 8:30 ng umaga,” bulalas ko. Dalawang oras pa naman ang biyahe mula sa amin papuntang skul. Pagkalabas ko ng kwarto, tumambad sa akin ang almusal sa lamesa at ang ingay ng washing machine. Nakakahiya! Si mama na naman ang naglaba ng mga marurumi kong damit na inuwi ko kagabi. At nakakatuwa, may almusal na kumakaway sa harapan ko hindi gaya sa boarding haws namin walang ibang almusal maliban na lamang sa ilang pirasong tinapay at kape; hindi kasi ako marunong magluto na almusal kagaya ng linuluto lagi ni mama.
Pagkatapos kong mag-almusal, nagpa-alam ako kay mama na uuwi ako sa boarding haws kaagad. Na umuwi lang talaga ako para kumuha ng uniform. Pumayag naman siya kaagad at muling pinaalala na huwag akong uuwi ng bahay ‘pag malalim na ang gabi.
Nakahanda na ang malaki kong bakpak, hudyat ng pag-alis; nakita ko ang pagal na imahe ni Mama. Ayoko magdrama pero ang mahaba niyang buhok na parang nag-uutos sa akin na suklayin ito ang nag-uudyok sa aking lapitan siya. Ang kalyadong niyang palad na masarap haplusin, ang pawis sa kanyang likuran na malambot pahiran ng kapirasong tuwalya, ang namamaga niyang braso, ang mapanglaw niyang mga mata... ayokong isipin na dahil sa akin nagkakaganyan siya.
“Ma, pag mapagtapos ko ng pag-aaral ang mga kapatid ko at kapag umani na ng tagumpay ang aming pakikibaka; hinding hindi na tayo aalipin ng lipunan at ng sinasabi mong tadhana,” naibulong ko lang. Ang tanga ko, bakit di ko direktang masabi. Hinilot ko ang noo ni mama sabay tanong, “Ma, masakit pa ba ang ulo mo? I-press ko kaya likod mo para mawala yung stress mo,” alok ko sa kanya. Pumayag naman siya. Habang hinihimas ko ang mga kalamnan niya, dinadalangin ko na sana mawala na ang mga pagod niyang ito. Mawalay na ang hapdi ng kahirapan na nararamdaman niya dulot ng ilang taong pagiging ama’t ina sa aming apat na magkakapatid.
Habang paalis ng bahay, hinabol niya ako. Inabot niya sa akin ang pera pero binalik ko rin sa kanya. Ayokong tumanggap ng sobrang allowance mula sa kanya. Pagkanaka’y may sinabi siya at akala ko’y sesermon na naman ako, “Kelan ang uwi mo niyan?... Ingat sa pagrarali, basta ingatan mo lang sarili mo.” Napalunok ako ng laway ko. Di ko alam kung paano ba dapat ako mag-react dito. “Natutuwa ako sa’yo kasi kahit papano nagbago ka. Nagka-interes ka na sa gawaing bahay at hindi puro libro nalang ang inaatupag mo gaya ng dati. Ganyan ba talaga ‘pag aktibista na?,” tanong niya.
Nangatog ang buong kalamnan ko. Hindi ko kailanman inamin kay mama na aktibista na ako, pero alam na pala niya. Naiyak ako, hindi napigilan. “Sa susunod na linggo po ako uwi, hayaan mo pag-uwi ko dito marunong na akong magluto at magpaputi ng puting damit,” pagmamayabang ko sabay pahid ng luha. Para na naman akong bata!
“I love you Ma. Salamat dahil nauunawaan mo,” sabi ko sabay yakap. Sa wakas nasabi ko rin. Korny man pero para sa akin isang tagumpay. Naigpawan ko rin ang ganito kasimpleng hamon.
Ngumiti lang siya sabay kaway habang dahan dahan akong lumabas ng aming gate.
Wala akong ibang magandang regalo sa paskong ito sa aking ina. Maliban na lamang sa presensya ko sa aming tahanan ngayong pasko. At iparamdam sa kanilang sa gitna ng aking patuloy na pakikibaka tungo sa pagbabago ng lipunan ay ang aking walang hanggang pag-ibig sa kanila at sa masang dapat na pinaglilingkuran —gaya ng itinuro ni Hesus. Ito na marahil ang esensya ng pasko.