Marahil sa ganitong analohiya
Mahuhulaan mo—
Kung anong katumbas ng isang pirasong luha
Para lumikha ng isang malungkuting tula.
I.
Gaya ng isang bituing ligaw sa kalangitan
Mahabang panahon ang kinakailangan
Upang mahanap ang dati nyang kanlungan.
II.
Sa isang hardin na may pulang rosas
Anong ganda nang siya’y dapuan,
Ng isang kulay-pulang paru-paro.
May dala itong armas
--malamig na hamog;
para sa talulot nitong rosas
na kaytagal ng nahahapo.
III.
At tulad ng isang laos na mangangawit--
Sumasaliw sa lumang musika
Ang sarili niyang liriko.
Gitarang may gasgas
Pinatutugtog ng malakas
Marinig lamang--
ng nagbibingi-bingihang damdamin
Ang matamis niyang awitin.
Kayat ‘pag ako’y mapadalaw
sa iyong panaginip
Hahayaan kong lumapat ang iyong mga palad
sa mainit kong mga bisig.
Kapagka’y iyong hinanap
Ang inalay mo sa’king pag-ibig—
Ilalahad ko sa aking mga palad
Ang puso mong tapat;
Na matagal nang naghihintay--
na mahimlay sa matigas
At namamanhid kong dibdib.
Pagkat itatago ko ang puso mo
Hangga’t hindi ako natututo;
Hangga’t mawala na ang agam-agam
At ilang pagkalito...##