Monday, May 25, 2009

Enrollment: Kung Kelan Higit na Kailangan ang mga Lider-Estudyante

habang sumasakit na ang mga ulo ng mga studyante at
ilang enrollees sa mga reklamo nila, problema sa page-enrol atbp.

naka-padlock naman ang opisina ng ISG Office

Enrollment na naman. Bukod sa pera para sa pang-tuition, pagpili ng school na papasukan at entrance exam ang unang pinoproblema ng mga enrollees, ang mahabang pila din ang isa sa paulit-ulit na eksena sa tuwing enrollment(na pinakaaayaw ng lahat).

Dito sa EARIST “Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology ” Nagtahan Samapaloc Manila , ganun din ang palaging kaganapan tuwing enrollment days.

Marami akong kwento ng buhay na nasasagap tuwing binabaybay ko ang daanan mula sa Property Office patungong Registrar Office. May mga enrollees akong nakakausap na alas 5 ng madaling araw pa lamang ay nandito na sila para di maabutan ang mahabang pila. May mga umuuwi namang luhaan dahil hindi raw sila nakapasa sa entrance exam. Isang ina naman ang naabutan ko isang araw na nang-gagalaiti sa galit dahil hindi tinanggap ang kanyang anak sa dahilang puno na raw ang kursong in-enrolan nya. Di nya alam kung san sya hihingi ng tulong at mapagsusumbungan man lang. Ang reklamo nya naman kasi ay bakit pa sila pinag-exam at pinabalik sa school para daw sa medical at kung anu-ano pa kung wala naman na palang bakanteng kurso. Nasayang lang tuloy ang mga nagasto nila.

Si ate naman na may enrollment form na, ay maiyak-iyak sa pagkaka-assess sa kanyang form. Bakit daw may laboratory fee pa syang babayaran ganung wala naman syang computer subject? Magbabayad tuloy sya ng karagdagang P500.

Umakyat ako sa ISG (Institute Student Government) Office upang makahingi ng tulong. Ngunit, saradong opisina ang bumulaga sa akin. Hindi ko mawari kung asan ang mga lider-estudyante sa mga ganitong panahon. Sa ganitong panahon, na maraming estudyante ang higit na nangagailangan sa kanila.

Maraming problema ang sambayanang estudyante. Kaya’t sana man lang ay hindi lamang pangalan ang nakalagay sa mga mesa nila sa ISG office kundi pati mga kanilang presensya. Hindi ko lang alam kung nasa isang sa seminar ba silang lahat sa mga sandaling yun o sadyang ganun lang talaga palagi? Pero sana man lang ay naisip nila muna na unahin ang kapakanan ng mga estudyante kaysa ang sariling pag-unlad. May mas higit pang nangangailangan sa kanila lalo na sa mga ganitong okasyon.

Ito ay isang simpleng pamumuna sa mga lider-studyante ng ISG sa EARIST. Tugunan nyo sana ng sapat na serbisyo ang mga estudyante na nagluklok sa inyong mga posisyon sa ngayon.

Bigyan nyo na rin sana ng boses ang mga hinaing ng Crimonolgy student. Saan napupunta ang developmental fee na binabayaran nila tuwing semestre? Ang mali-maling paga-assess! Ang sistema na di nababago sa pagpila sa cashier at registrar. At marami pang iba.

Sana lagi nyong isaisip na kaya kayo nandyan sa kinauupuan nyo ay Dahil at Mula sa estudyante! Kaya lahat ng dapat nyong gawin sa loob ng institusyon ay Para din dapat sa estudyante!

P.S. Nangyari ang mga pangyayaring ito noong May 21, 2009 at sa mga iba pang araw na di ko na naisa-dokumento.

Eto pa ulit: Wag tayo magsilbi-silbihan para sa sariling pag-unlad lamang, kundi para sa pag-unlad ng pangkalahatan!

Ito’y mahigpit na pamumuna lamang, walang bahid ng paninira. Isa rin akong estudyante, napagsasamantalahan din ng kabulukan ng sistemang umiiral.

Mga Kaibigang Manlalakbay