Friday, August 5, 2011

Sa Ilalim ng Nagngingit na Langit*


Tanaw mo ang kanyang pagkatao,
Pagka’t mula sa kanyang pagkasilang
Ikaw ang una niyang kinamulatan
Ikaw ang unang nadampian ng mainit niyang mga palad.

Wag ka nang lumuha ina..
Kung ang iyong anak ay nagbago na
Hayaan mo siyang umunlad,
Sa daloy ng wastong politikang linya.

Wag mo siyang ipagdamot...
Dahil hindi mo LANG siya anak,
Anak din siya ng ibang ina---
at ng ibang ama,
Ate rin siya ng maraming nena
Kalaro din siya ng iba pang mga Bunso
Kabiruan ng ibang tiyuhin at marami pang tiya.

Wag mo siyang kagalitan..
Kung minsan lang siya makakain,
Sa piling ng masa’t kauring alipin.
Hindi man sapat ang kanilang pananghalian---
Payak silang nabubuhay
Sa paraang marangal, makatao’t matiwasay.

Wag ka nang lumuha..
Hayaan mo..
Sa ilalim ng nagngingit na langit
Ay siya namang pagpawi ng iyong mga galit
Na matagal ng nakabaon sa’yong marubdubing dibdib...

At ‘wag kang mag-aalala mahal kong ina..
Pagkat ang iyong anak ay nasa mabuting kalagayan,
Tuloy-tuloy at masayang nakikibaka---
Kasama ang malawak na hanay ng masa. ###

___________________________________________________
*para kay mama at sa iba pang mga ina ng mga aktibistang gaya ko
*para sa mga tanong niyang di ko pa nasasagot lahat
Isinulat: July 30,2011 sa oras na 10:52 ng gabi sa Intruccion St., Sampaloc, Manila

Mga Kaibigang Manlalakbay