Tuesday, July 26, 2011

Bulaklak na Ligaw*

Sasapat kaya ang kapirasong papel,
Upang pagsidlan ng mga talinhagang gala?
Masasagot kaya ng mga hinuha,
Ang nilalaman nitong aking tula?


May isang bulaklak na ligaw
Sa gitna ng makapal na kagubatan
Ay di na muling nakasumpong
Ng pulang bubuyog mula sa parang.

Ngunit nang siya’y sadyain
Nang isang masigasig na paru-paro
Mula pa sa berdeng kapatagan,
Na umaani ng mga gintong butil sa palayan---
Malamya niyang mga tangkay
Ay muling naging luntian
At kanyang mga daho’y muling nabuhay.

Matamlay niyang mga talutlot
Ay dagliang nawisikan ng malamig na hamog—
Sa umagang lumalamon ng lungkot
At humahaplos ng pag-asang walang pag-iimbot.

Dahil itong si paru-paro’y
Nagtataglay ng pag-irog—
Na maski ang kabunduka’y
Kayang mapa-inog.


*alay sa isang romantikong makata
(Hulyo 3, 2011/10:54AM sa Mandaluyong HQ)

Mga Kaibigang Manlalakbay