Thursday, December 31, 2009

My Christmas Vacation*

Noong nasa elementarya pa ako hanggang sa naging hayskul nalang ako, ito ang palaging pinapagawang project sa amin ng aming mga guro. Ang gumawa ng essay hinggil sa kung ano ang mga ginawa namin sa aming Christmas Vacation. Ewan ko ba kung bakit palaging ganun ang gusto nilang ipagawa sa amin. Kaya nga kung minsan yung ipinapasa kong project na essay sa aking Filipino o English teacher ay yung ginawa ko lang din noong nakaraang taon.

Siyempre doon sa essay na ginawa ko, hindi mawawala dun ang paglalarawan ko kung anong regalo ang mga natanggap ko ngayong Disyembre? Sinong ninang at ninong ang nag-abot sa akin ng aginaldo? Anong ang pinagsaluhan ng aming pamilya sa noche buena? At kung saan-saan ako nakarating sa pangangaroling?

Para lang maging maganda ang laman ng aking essay sinasabi ko kahit na kasinungalingan na siya. Mas masaya ang pasko ngayon kumpara sa nakaraang pasko. Sama-sama naming pinagsaluhan buong mag-anak ang aming noche buena. Si tatay nagpapaputok ng triangle habang si nanay ay abala naman sa pag-aabot sa amin ng aming mga regalo. Halos walong taon na ang lumipas simula ng isinulat ko yun sa isang ‘one whole sheet of paper’ at ipinasa sa aking guro mula elementarya at hayskul ng pare-pareho lamang ang nilalalaman.

Ang aking Proyekto sa Filipino o di kaya My project in English: My Christmas Vacation.... ah! Kung hindi lang para sa grade ko sa asignaturang ‘yun.. hindi ako magsusulat na ganun ang paksa ng aking isusulat na sanaysay. Hindi ko naman kasi talaga kailanman nakasama sa noche buena maging sa media noche ang aking ama at ina. Nagpapanggap lang ako. Kunwari masaya ako sa pasko, kunwari buo kami ng aking pamilya sa New Year.. Kunwari niyakap ako ni tatay at nanay habang binabati nila ako ng ‘Merry Christmas”...

Ito ang tunay na nilalaman ng aking Christmas Vacation essay. Pangungulila. Pagtatanong. Paghihintay...

Hindi ko alam kung kailan darating ang pasko na kung saan mararamdaman ko ang tunay na diwa nito. Ang makasama ang buong pamilya habang sabay-sabay na nagsasalo-salo ng kanilang inihandang pagkain. Kailan nga ba?

Sana, sa susunod na pasko hindi ako makapagsulat ng isang sanaysay hinggil sa kung paano ipagdiwang ang pasko ng mag-isa lang sa bahay.

*
hindi na sana kita gagamitin bilang title,
pero wag kang mag-alala ito na ang pinakahuli..

Mga Kaibigang Manlalakbay